Bernadette
Sembrano : "Hulog ng Langit"
The Philippine Star
Sunday, 13 April 2008
Ilang tao na naman ang matutulungan at
ilang buhay na naman ang magbabago sa paglulunsad ng public service segment ng
ABS-CBN News and Current Affairs sa TV Patrol World at Umagang Kay Ganda sa
pamamagitan ng Hulog ng Langit ni Bernadette Sembrano.
Matapos ang matagumpay na Nagmamahal
Kapamilya, muling nagbabalik sa serbisyong publiko si Bernadette sa naturang
segment na naglalayong pag-ugnayin ang mga taong lubos na nangangailangan sa mga
taong may kakayahang magbigay ng hinihinging tulong nila.
“Napakadami ng taong nangangailangan ng
tulong at napakadami rin ng taong handang tumulong. Ang Hulog ng Langit ang
magsisilbing tulay sa pagitan nilang dalawa nang sa gayo’y sila ay magkaroon ng
ugnayan,” paliwanag ni Bernadette.
Dahil na rin sa angking kredibilidad at
imahe ng pagiging isang compassionate na reporter kung kaya’t napili si
Bernadette bilang bagong mukha ng ABS-CBN public service.
“Kilala na talaga si Bernadette bilang
babaeng may busilak na puso sa pagtulong sa mga nangangailangan. Bilang
reporter, nabuo na niya ang kredibilidad sa aspetong ito kaya naman bagay na
bagay siyang kumatawan sa public service efforts ng ABS-CBN,” sabi ni ABS-CBN
Head of Current Affairs and News Production Luchi Cruz-Valdes.
Nagsimula na ang Hulog ng Langit noong
Lunes kung saan ipinakita ang kuwento ni Baby Raiza, isang bagong silang na
sanggol na kailangan sumailalaim sa maselang operasyon upang matanggal ang tila
ba di nabuong kakambal sa kanyang likuran. Dala ng kakulangan sa kagamitan sa
Magsaysay District Hospital Sa Quezon, kung kaya’t minabuti ng dalhin ng Hulog
ng Langit team ang bata sa Philippine Children’s Medical Center sa Quezon City
para sa mas mabusisi pang mga eksaminasyon.
Sasamahan ni Bernadette ang mga TV
Patrol World anchors na sina Karen Davila, Julius Babao at Ted Failon at iba
pang segment hosts tulad nina Kim Atienza at Phoemela Barranda. Mapapanood ang
segment 2-3 beses sa isang linggo at maari ring matunghayan sa morning show na
Umagang Kay Ganda, sa mga newscast at plug ng ANC at sa online news site na abs-cbnnews.com.
|